LSS

Are you going to Scarborough Fair? Parsely, sage, rosemary and thyme????

Saturday, October 21, 2017

Abay



Biglaan. Hindi ko alam kung saan nagmula. Patawad. Masaya naman ako para sa iyo. Para sa inyo.Huwag mo na lamang pansinin ang napipinto kong pagluha. Natutuwa ako sa pagkaputiputi mong trahe de boda. Alam kong kay tagal mong hinintay ang sandaling ito. Kasama kami. Kasama sila. Kasama siya. Nakakatuwa. Subalit nakakaiyak.
Pero totoo, natutuwa ako talaga para sa inyo. Hindi ko lamang mabatid kung bakit ganito. Nangyari na ang ganito noon eh. Mahigit limang taon na siguro ang nakakaraan. Ganitong ganito rin. Pangalawa ka na. O pangatlo ata. Pang-apat? Panglima? Hindi ko na mabilang pa. Nakakaiyak. Ayaw nang paawat ng mga luha ko. Nag-uunahan na sila. Pangalawang henerasyon ka na aking walang sawang dinadaluhan. Masaya ito. Selebrasyon ng simula. Nang una at nang walang hanggan.
Kung bakit sa ganitong pagkakataon ay hindi mawaglit sa isang bahagi ng aking diwa ang maramdaman ang kakulangan ng gantong sandali sa aking buhay. Hindi ko sinasadya. Ayoko naman talaga nito. Ngunit marahil, may mga bagay na hindi talaga natin maaaring pigilan. Patawarin mo ako. Hindi ikaw. Marahil hindi rin ako. Hindi ko lang mapigilang magtanong. Isang tanong ang kanina pa sumisigaw sa aking isip habang kapwa kayo nakaluhod sa altar: Kailan?
Hindi ako naiinggit. Malayo sa inggit. Hindi ko pa alam ang katawagan. Nais ko rin nang kung anong meron ka. Nang kung anong meron kayo. Walang kasingsakit ang paulit ulit kang makakita ng isang pangarap na kailanman ay hindi magiging saýo. Tila ka tinatakam ang sikmura na ilang araw nang walang laman.  Tila ba nanunukso sa isang batang ilang beses nang nawalan ng lobo o dili kaya ay ilang beses nang inagawan ng paboritong kendi. Gustuhin mo mang ‘wag lumingon ay mayroon itong isang ubod lakas na pwersa na nagtutulok sa ýo upang maging saksi. Saksi. Ah! Isang saksi. Isa akong luhaang saksi sa ganitong palabas na kailanman ay hndi magiging akin. Ayoko na sanang lingunin subalit hindi maaari. Gusto ko pa rin naming maging bahagi ng  buhay ng mga tao sa aking paligid. Nais ko pa ring mabuhay. Subalit mas higit kong nais ang mabuhay ng tulad ng meron ka ngayon. Nang may simula. Nang may aasahan. Nang may panghahawakang bukas. Dahil sa totoo lang, ang hindi ko na alam kung saan ako papunta.
Akin nang pinapahid ang basa kong pisngi. Hindi ako magsasawang humingi ng tawad sa iyo. Pero heto lang ang sasabihin ko, tulad ng ibang mga nauna, malilimutan mo rin ako. Masakit subalit totoo. Hudyat na rin ito ng paghabi mo ng sarili mong buhay. Makakaranas ka ng ubod sikad na ligaya at ubod sikad na lungkot, subalit hindi ka mag-iisa. Tandaan mo: andito lang ako. Madalas andito lang naman ako. Ako lang talaga ang nakakalimutan. O baka hindi naman talaga nakakalimutan, hindi lang kailangang mauna sa listahan. Hahaba ang listahan mo at marahil alam mong andito lang naman ako, irereserba mo ako sa huling bilang. Maraming beses nang ganito.
Hindi ko na alam. Basta. Masakit. Totoo pala na literal na sumasakit ang dibdib. Kumikirot. Parang pinipiga sa tuwing pilit na pinipigilan. Patawad, patawad, patawad. Hindi ko na matatapos ang araw na ito kasama ka. Kasama kayo. Mahal kita aking kaibigan. Subalit, gaano mang kasaya ang araw na ito para sa iyo, kailangan ko munang mapag-isa. Patawad. Maaaring ikasama ng loob mo. Naniniwala ako na balang araw, mauunawain mo rin ako. Patawad.
Ayoko na. Ayoko na.
Patawad. Patawad kung nais ko ring maging katulad mo.

Patawad.