Biglaan. Hindi
ko alam kung saan nagmula. Patawad. Masaya naman ako para sa iyo. Para sa
inyo.Huwag mo na lamang pansinin ang napipinto kong pagluha. Natutuwa ako sa
pagkaputiputi mong trahe de boda. Alam kong kay tagal mong hinintay ang
sandaling ito. Kasama kami. Kasama sila. Kasama siya. Nakakatuwa. Subalit
nakakaiyak.
Pero totoo,
natutuwa ako talaga para sa inyo. Hindi ko lamang mabatid kung bakit ganito.
Nangyari na ang ganito noon eh. Mahigit limang taon na siguro ang nakakaraan.
Ganitong ganito rin. Pangalawa ka na. O pangatlo ata. Pang-apat? Panglima?
Hindi ko na mabilang pa. Nakakaiyak. Ayaw nang paawat ng mga luha ko.
Nag-uunahan na sila. Pangalawang henerasyon ka na aking walang sawang
dinadaluhan. Masaya ito. Selebrasyon ng simula. Nang una at nang walang
hanggan.
Kung bakit sa
ganitong pagkakataon ay hindi mawaglit sa isang bahagi ng aking diwa ang
maramdaman ang kakulangan ng gantong sandali sa aking buhay. Hindi ko
sinasadya. Ayoko naman talaga nito. Ngunit marahil, may mga bagay na hindi
talaga natin maaaring pigilan. Patawarin mo ako. Hindi ikaw. Marahil hindi rin
ako. Hindi ko lang mapigilang magtanong. Isang tanong ang kanina pa sumisigaw
sa aking isip habang kapwa kayo nakaluhod sa altar: Kailan?
Hindi ako
naiinggit. Malayo sa inggit. Hindi ko pa alam ang katawagan. Nais ko rin nang
kung anong meron ka. Nang kung anong meron kayo. Walang kasingsakit ang paulit
ulit kang makakita ng isang pangarap na kailanman ay hindi magiging saýo. Tila
ka tinatakam ang sikmura na ilang araw nang walang laman. Tila ba nanunukso sa isang batang ilang beses
nang nawalan ng lobo o dili kaya ay ilang beses nang inagawan ng paboritong
kendi. Gustuhin mo mang ‘wag lumingon ay mayroon itong isang ubod lakas na
pwersa na nagtutulok sa ýo upang maging saksi. Saksi. Ah! Isang saksi. Isa
akong luhaang saksi sa ganitong palabas na kailanman ay hndi magiging akin.
Ayoko na sanang lingunin subalit hindi maaari. Gusto ko pa rin naming maging
bahagi ng buhay ng mga tao sa aking
paligid. Nais ko pa ring mabuhay. Subalit mas higit kong nais ang mabuhay ng
tulad ng meron ka ngayon. Nang may simula. Nang may aasahan. Nang may
panghahawakang bukas. Dahil sa totoo lang, ang hindi ko na alam kung saan ako
papunta.
Akin nang
pinapahid ang basa kong pisngi. Hindi ako magsasawang humingi ng tawad sa iyo.
Pero heto lang ang sasabihin ko, tulad ng ibang mga nauna, malilimutan mo rin
ako. Masakit subalit totoo. Hudyat na rin ito ng paghabi mo ng sarili mong
buhay. Makakaranas ka ng ubod sikad na ligaya at ubod sikad na lungkot, subalit
hindi ka mag-iisa. Tandaan mo: andito lang ako. Madalas andito lang naman ako.
Ako lang talaga ang nakakalimutan. O baka hindi naman talaga nakakalimutan,
hindi lang kailangang mauna sa listahan. Hahaba ang listahan mo at marahil alam
mong andito lang naman ako, irereserba mo ako sa huling bilang. Maraming beses
nang ganito.
Hindi ko na
alam. Basta. Masakit. Totoo pala na literal na sumasakit ang dibdib. Kumikirot.
Parang pinipiga sa tuwing pilit na pinipigilan. Patawad, patawad, patawad.
Hindi ko na matatapos ang araw na ito kasama ka. Kasama kayo. Mahal kita aking
kaibigan. Subalit, gaano mang kasaya ang araw na ito para sa iyo, kailangan ko
munang mapag-isa. Patawad. Maaaring ikasama ng loob mo. Naniniwala ako na
balang araw, mauunawain mo rin ako. Patawad.
Ayoko na. Ayoko
na.
Patawad. Patawad
kung nais ko ring maging katulad mo.
Patawad.
No comments:
Post a Comment